Nagsama-sama ang mga musikero na tumutugtog sa Naga City sa isang pahayag na ipinapaalala sa lokal sa gobyerno ang responsibilidad nito sa paghahatid ng ayuda sa mga musikero.
“Ang artists and creative communities sa syudad, kabilang na ang mga musikero ay constituents ng Naga City government,” ayon kay Roger Palacio II ng grupong Rise Above Production. “Ang mga musikero ay isa sa mga sektor na nahihirapan umangkop sa sitwasyon ng pandemya at new normal. Lalo na kung live performances ang kasanayan at pinanggagalingan ng kabuhayan, hindi madali lumipat ng hanap-buhay.”
Ikinatutuwa ng komunidad ng mga musikero ang balitang pagbibigay puwang sa Naga City para muli makatugtog at makapaghanap-buhay ang mga kamusiko. Ito ay ibinunga ng pagkakaisa at walang sawang pagkalampag ng kapwa mga musikero para narin sa kapakanan ng komunidad.
“Nais naming ipaalala na ang ayuda ay karapatan ng mamamayan,” ayon kay Karl Ramirez, singer-songwriter, music producer, at isa sa mga coordinators ng Musika Publiko Camarines Sur. “Kung tungkulin ng mamamayan mag-alay ng kanyang talino at kakayahan para sa ikabubuti ng syudad, responsibilidad ng syudad tulungan ang kanyang mamamayan sa panahon ng pangangailangan. Wag din natin kalimutan na pera ng bayan ang inilalaan dyan.”
Ang Musika Publiko Camarines Sur kasama ang Rise Above Production ay isang malapad na pormasyon ng mga musikero sa buong probinsya at Naga City.
Noong Abril inanunsyo ng Naga City Arts, Culture, Tourism Office (ACTO) sa isang opisyal na pahayag ang “Financial Assistance for Artists”. Ito di-umano ay pagpapadaloy ng tulong na manggagaling sa dalawang ahensya – Department of Tourism at Department of Labor and Employment para sa mga performing artists na nagtatrabaho sa Naga City.
“Mula Abril ay naghihintay ang mga musikero. Hindi rin lumapit ang ACTO sa mga malalaking organisasyon ng musikero sa syudad tulad ng Musika Publiko Camarines Sur upang maayos na magkoordina,” dagdag ni Palacio. “Palaisipan sa bawat araw na dadaan kung saan nga ba napunta ang pondong nakalaan sa ayuda.”
“Dapat isapubliko ng ACTO sa ngalan ng transparency, accountability, and good governance ang kalagayan ng ‘Financial Assistance for Artists.’Dahil kung totoong ito ay programa ng gobyerno, ibig sabihin may nakalaang pondo para dito. Kaya napapanahon ang panawagan na ibigay na ang ayuda para sa mga musikerong nagtatanghal sa syudad ng Naga!” pagtatapos ni Ramirez.
Isang online petition ang patuloy na umiikot sa pangunguna ng Musika Publiko upang kalampagin ang lokal na gobyerno ng Naga hinggil sa usapin na nito.