Iminungkahi ni dating three-term Quezon City Mayor at UniTeam senatorial candidate Herbert “Bistek” Bautista sa gobyerno na bigyan ng isang taong moratoryo sa pagbabayad ng buwis ang micro, small at medium-scale enterprises (MSMEs) para tuluyang makabangon mula sa epekto ng lockdown, na ipinatupad ng gobyerno para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 virus.
“Kung muli ka pa lang magbubukas, maaari kang mabigyan ng mga insentibo gaya ng isang taong moratoryo sa pagbabayad ng amilyar o mabigyan ka ng 50% diskuwento rito,” ani Bautista, na tumatakbo sa platapormang Internet Reform, Livelihood for All at Youth Protection and Welfare (ILY) at Pagkain para sa Pamilyang Pilipino.
Nauna nang nagbigay si Bautista ng pagtaya na nasa 96% ng trabaho na nalilikha sa bansa ay dahil sa MSMEs.
“Kaya, ang pagtulong sa mga negosyong ito para makatayong muli sa kanilang mga paa ay pagtulong din sa mamamayan na makahanap ng trabaho,” paliwanag ni Bautista.
Sa naunang mga pahayag, sinabi ni Bautista na magiging prayoridad niya ang MSMEs sa paglikha ng mga batas, kung sakaling manalong senador sa Mayo 9, dahil ang mga ito ang labis naapektuhan ng ipinatupad ng mga lockdown bunsod ng COVID-19 at sila rin ang nagsisilbing pinakagulugod ng pambansang ekonomiya.
Ayon pa sa beteranong lingkod-bayan, mahigpit din ang kaugnayan ng MSMEs sa malalaking industriya sa bansa, partikular ang business process outsourcing o call centers kung kaya may katuturan ang utos ng gobyerno na balik-opisina na ang mga nagtatrabaho sa call center.
“Ayos naman ako sa work-from-home [set-up]. “May mga tao na sa bahay nagtatrabaho, ang iba naman sa mga pabrika o gusali at tanggapan, partikular ang mga nasa industriya ng BPO. Pero dapat din nating tingnan ang intensiyon ng gobyerno kung bakit sinabihan nito na magbalik na onsite ang mga call center agent,” paliwanag ni Bautista.
“Ang mga pinsan ko, nasa call center at tumutulong silang mapagalaw ang ekonomiya,” dagdag pa ni Bautista.
Ayon pa sa dating alkalde, pareho rin ang layunin ng pagpapabalik sa mga ahente ng BPO sa kanilang mga opisina sa pagpapabalik sa harapang pagkaklase sa mga paaralan.
“Kung pisikal na makadadalo ang mga estudyante sa kanilang mga klase, siyempre, bibili ang mga nanay nila ng pagkain para sa kanila sa palengke, tapos ang mga estudyante, pupunta naman sa eskuwelahan. Ang mga guro, papasok sa paaralan, sasakay ng jeep o tricycle. Kikita dahil dito ang mga namamasada ng tricycle o jeep, at bibili sila ng pagkain sa palengke, para sa pamilya nila. Sa ganitong paraan tumatakbo ang ekonomiya natin,” ayon kay Bautista.
Samantala, iginiit ni Bautista na hindi lang ayuda ang kailangan ng MSMEs kundi kumpletong suporta dahil napakahalaga ng ginagampanang papel ng mga ito sa pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya.