Inilunsad sa bayan ng Tinambac probinsya ng Camarines Sur ang isang inisyatiba para sa “Good Governance” inspirado ng krusada ni dating DILG Secretary at dating Naga City Mayor Jesse Robredo.
Ang Bangon Tinambac Bagong Tinambac movement na pinapangunahan nina Oming Velarde at Marion Abiog, ay may layunin na isaayos ang sistema ng paggogobyerno kasabay ng pagpapataas ng kaledad ng buhay ng mga Tinambaqueño.
“May malawak na diskontento sa aming bayan, ” ayon kay Oming Velarde. “Mahirap na nga ang kalagayan, pinalala pa ng pandemya. Pero hindi maramdaman ang serbisyo publiko ng lokal na pamahalaan.”
“Ang tunay na serbisyo publiko dapat inaangat ang buhay ng tao,” ayon kay Bb. Marion Abiog. “Panahon na para itaas ang antas ng lokal na pamamahala – maagap at para sa lahat dapat ang serbisyong panlipunan, may konsepto ng ‘accountability and transparency’ ang namumuno, at may boses at partisipasyon ang karaniwang Tinambaqueño sa pamahalaan.”
Si Oming Velarde ay kasalukuyang Konsehal ng bayan at nag-iisa sa kanyang partido na nahalal sa Sangguniang Bayan. Si Bb. Marion Abiog naman ay dating opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Tinambac. Parehong malaman ang track record ng dalawa sa paglilingkod sa bayan kahit sa pribadong mga inisyatiba.
Mabilis na nakuha ng dalawa ang suporta ng mga Tinambaqueño sa inisyatibang ito. Nakuha din nila ang suporta ni Camarines Sur 4th District Representative Arnie B. Fuentebella na syang Congressman na nakakasakop sa distrito. Kasama sa naghahatid ng tulong ang mga programang pangkabuhayan ni Cong. Fuentebella tulad ng Asenso Ng Bahay, Asenso Kan Buhay at ang Adopt A Farmer Program.
“Kayang paunlarin ang kalagayan ng bayan, kailangan lang ng determinasyon at maayos na pamamahala at pagkilala sa kalagayan at opinyon ng madla,” ayon kay Oming Velarde.
Maliban sa papularidad, matunog din sa bayan ng Tinambac ang tandem nina Oming Velarde at Marion Abiog na tatakbo di-umano bilang Mayor at Vice-Mayor ng bayan sa magaganap na halalan.
“Hinahangad namin ni Oming na magkaroon ng tunay na pagbabago sa bayan ng Tinambac. Walang ibang panahon para dito kundi ngayon, at walang ibang gagawa nito kundi tayo,” pagtatapos ni Bb. Marion Abiog.