Sinusuportahan ng mga artista, musikero, manunulat, at manggagawang kultural mula sa Bicol Chapter ng Katipunan ng mga Alagad ng Sining para sa Mamamayan o Concerned Artists of the Philippines (CAP Bicol) ang panawagan ng mga manggagawa sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Ang CAP Bicol ay nakikiisa sa mga manggagawang pangkalusugan at sa iba’t ibang industriya at sektor sa kanilang sakripisyo sa gitna ng pandemya. Ngunit sa kabila nito, ang rehimeng Duterte ay walang habas na pinagsasamantalahan ang mga manggagawa, kasabwat ang mga kapitalistang nananatiling puno ang bulsa habang ang mga trabahador at manggagawa ay walang sahod dahil sa no work, no pay scheme.
Ayon sa CAP Bicol, ang mga manggagawa sa transportasyon, edukasyon, mga pabrika at agrikultura, pati na rin ang mga nasa medikal na sektor kasama ang mga frontliners at waste workers ay nananatiling bilanggo ng mapang-aping sistema dahil sa kakulangan sa pasahod, proteksyon, at bakuna. Ang mga manggagawa na nasa malikhain at kultural na sektor naman ay patuloy ang kontrakwalisasyon at kakulangan sa benepisyo dahil sa neo-liberal na pagsasamantala at hindi makatarungang mga polisiya.
Patuloy rin ang red tagging ng NTF-ELCAC gamit ang Anti-Terror Law na pinatatahimik at pinapaslang ang mga unyonista na ipinaglalaban lamang ang kanilang karapatan. Bukod pa rito ay ang paniniktik at profiling sa mga labor organizations, panghahalughog ng mga opisina, pagsasawalang bahala sa karapatang pantao at pagyurak sa demokratikong espasyo ng paggawa at trabaho,
Sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa ay kasama ng mga manggagawa ang Concerned Artists of the Philippines Bicol Chapter sa paggigiit sa ating mga karapatan!
Ating sabay-sabay na ipanawagan na magkaroon ng malawakang testing at epektibong contact tracing sa mga pagawaan at komunidad, libre at ligtas na bakuna para sa mga manggagawa, i-klasipika ang Covid-19 bilang occupational disease, at mabigyan ng ayuda ang lahat kasama na rin ang agarang pagsasabatas ng Paid Pandemic Leave Bill, pahayag pa ng CAP Bicol.