Sorsogon City, Philippines–Isasagawa ng grupong Kurit-Lagting Art Collective, at Concerned Artists of the Philippines Bicol  Chapter katuwang ang Sorsogon Arts Council ang taunang Scott Kelby Worldwide Photowalk sa lungsod ng Sorsogon ngayong darating na Ika-7 ng Oktubre 2023 (Sabado), alas dos ng hapon. Tatahakin nito ang piling mga barangay sa lungsod ng Sorsogon at magtatapos sa Sorsogon Baywalk.

Ang Scott Kelby Worldwide Photowalk ay isang libreng kaganapan na tinaguriang pinakamalaking pandaigdigang pagsasama-sama sa photograpiya, at lumaki nang husto at katanyagan mula noong inaugural walk sa taong 2007. Inorganisa ng Kurit-Lagting ang kauna-unahang photowalk sa Sorsogon noong taong 2012. 

Sa  pamamagitan ng inisyatibo at koalisyong pansining na SICAD o Sorsogon Initiative for Culture and Arts Development, ang nasabing mga grupo ay kinabibilangan ng artista, maniniyot (photographer), manunulat, makata, at mga manggagawang pangkultura mula sa mga lalawigan ng Bikol.

Sambit ni Allan Abrigo, co-founder ng Kurit-Lagting Art Collective at siyang naatasan na maging walk leader ng photowalk, “Ang kaganapang ito ay isang patunay na ang sining at kultura ay hindi lamang ginagamit bilang entertainment at spectacle kundi dapat ay sumasalamin ito sa tunay na kalagayan ng lipunan. Ginagamit din ang porma ng sining tulad ng potograpiya upang itampok ang mukha at reyalidad ng mga komunidad.”

Sumang-ayon naman dito ang regional coordinator ng CAP Bicol na si Joseph Bausa at sinabing, “Isa itong pagtanaw sa iba’t-ibang mukha ng lipunan sa Sorsogon. Kaakibat nito ay ang paghamig at paghulma sa kritikal na pag-iisip ng mga Sorsoganon sa pamamagitan ng mga imahe at larawan gamit ang potograpiya.Maaaring bisitahin ang link na ito para sa mga gustong sumali sa photowalk: https://worldwidephotowalk.com/walk/sorsogon-city-photowalk.”

Ayon naman sa Art Director ng Kurit-Lagting Art Collective at miyembro ng Sorsogon Arts Council na si Geri Matthew “Choi” Carretero, ang tema ng Photowalk ay tungkol sa paglalahad ng pamumuhay sa Sorsogon sa pamamagitan ng camera at lente. Aniya,“Ang konsepto ng isang Photowalk ay simple lamang. Ang mga photowalk ay nilikha ng Walk Leaders sa mga lungsod sa buong mundo at nag-iikot sila sa mga komunidad upang makihakubilo at maipakita ang tunay na nangyayari sa kanilang lugar”.

“Bawat taon ang mga maniniyot sa buong mundo ay sabay-sabay na naglalabas ng kanilang mga camera at nagkikita sa isang itinalagang lokasyon sa kanilang bayan upang maglakad-lakad at kumuha ng mga larawang nagtatampok ng kultura, mga espasyo, mga pangyayari, destinasyon,  makasaysayang lugar at pagbabahagi sa mga tao at komunidad,” dagdag ni Jobeth Jerao, miyembro ng Kurit-Lagting at coordinator ng Photowalk.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay isinagawa ng nasabing grupo ang worldwide photowalk sa munisipalidad ng Gubat, Sorsogon, partikular sa Calayucay Beach, Sitio Gumang, sa Barangay Cota na Daco bilang pakikiisa sa Save Gubat Bay Movement (SGBM).

Ang SGBM ay binubuo ng mga mangingisda at lokal na residente sa Gubat, na ipinaglalaban ang kanilang karapatang mamuhay ng matiwasay at kasabay na panawagan na maipahinto ang nakaambang planong coastal road at reclamation projects sa kanilang lugar pati na rin ang mga polisiya na maaaring makaapekto sa pinagkukunan nila ng kabuhayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *